Magkasamang humarap sa mga mamamahayag sina Wang Yi, dumadalaw na Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina at Federica Mogherini, Mataas na Kinatawan ng Uniyong Europeo (EU) sa mga Suliraning Panlabas at Patakarang Panseguridad, makaraan nilang panguluhan ang ika-9 na round ng China-EU High-level Strategic Dialogue, nitong Lunes, Marso 18, local time, sa Brussels, Belgium.
Ipinagdiinan ni Wang na napagkasunduan ng magkabilang panig na itampok ng relasyong Sino-Europeo ang pagtutulungan, at mas maraming pagkakasundo kaysa sa pagkakaiba. Nilagom ni Wang ang sampung komong palagay ng Tsina't EU. Kabilang sa mga ito ay pagkatig sa multilateralismo, pagsuporta sa pangunahing papel ng United Nations (UN) sa mga suliraning pandaigdig, pananangan sa pagtatatag ng bukas na pandaigdigang kabuhayan, paghikayat sa mekanismo ng multilateral na kalakalan batay sa alituntunin, paglutas sa mga mainit na isyung panrehiyon at pandaigdig sa pamamagitan ng mapayapang paraan, pangangalaga sa mekanismo ng non-proliferation, buong-tatag na pagpapatupad sa UN 2030 agenda para sa sustenableng pag-unlad, pagbibigay-dagok sa terorismo sa anumang porma, at pagpapanatili ng kaayusang pandaigdig na itinatag pagkaraan ng World War II.
Salin: Jade
Pulido: Rhio