Nice, Pransya--Nagtagpo nitong Linggo ng gabi, Marso 24, local time sina dumadalaw na Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Emmanuel Macron ng Pransya. Nagkasundo ang dalawang lider na ipagpatuloy ang mainam na ugnayang Sino-Pranses.
Ani Xi, ang Pransya ang kauna-unahang bansang Kanluranin na nagtatag ng relasyong diplomatiko sa Tsina, at ito rin ang nanguna sa pagtatatag ng estratehikong partnership at pagsasagawa ng estratehikong diyalogo sa Tsina. Ang Pransya ay pinakamaaga sa pakikipagtulungan sa paggamit ng enerhiyang nuklear na pansibil, dagdag pa ni Xi. Diin ng pangulong Tsino, sa kabila ng pagbabago ng pandaigdig na kalagayan, hindi nagbabago ang mga sumusunod na punto: una, hindi nagbabago ang pagpapahalaga ng Tsina sa relasyong Sino-Pranses; pangalawa, hindi nagbabago ang aspirasyon ng dalawang bansa para sa kapayapaan, kaunlaran, katwiran at pagkakapantay-pantay; at pangatlo, hindi nagbabago ang tampok ng ugnayang Sino-Pranses sa mutuwal na kapakibangan at win-win na resulta.
Binalik-tanaw naman ni Macron ang kanyang kaaya-ayang pagdalaw sa Tsina noong 2018. Kinilala rin niya ang magkasamang pagsisikap ng dalawang bansa para matupad ang mga narating na komong palagay nila ni Xi sa pagpapasulong ng pagpapalitan at pagtutulungan sa kabuhaya't kalakalan, siyensiya't teknolohiya, at kultura, nitong mahigit isang taong nakalipas. Ipinahayag din ni Macron ang pagpapahalaga ng Pransya sa Belt and Road Initiative (BRI) na iniharap ng Tsina para sa komong kasaganaan. Nakahanda rin aniya ang Pransya na patingkarin ang nangungunang papel ng dalawang bansa para magkasamang pangalagaan ang multilateralismo at pandaigdigang kapayapaan at kasaganaan.
Salin: Jade
Pulido: Rhio