Idinaos Abril 3, 2019, sa Manila ang Ika-4 na Pulong ng Mekanismo ng Bilateral na Konsultasyon ng Tsina at Pilipinas hinggil sa South China Sea (BCM).
Nagpalitan ng palagay ang dalawang panig hinggil sa kalagayan ng South China Sea (SCS), aktibidad sa dagat at iba pang mga isyung pinahahalagahan. Inulit nilang ipagpapatuloy ang kooperasyon at talakayan hinggil sa pagpapalalim ng pagtitiwalaan. Anila pa, ang mga hidwaan ay hindi dapat maka-apekto sa kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa iba pang larangan; dapat hawakan ang mga hidwaan sa pamamagitan ng mapayapang paraan, alinsunod ng prinsipyo ng pandaigdigang batas at sa pamamagitan ng pagsasanggunian; ipagpatuloy ang talastasan ng mga bansang may direktang kaugnayan sa isyu ng SCS; at huwag gumamit ng dahas.
Samantala, naging mabunga ang pagpapalitan ng dalawang panig hinggil sa pagpapahigpit ng kooperasyong pandagat, na kinabibilangan ng kalagayan ng seguridad pampulitika sa SCS, paghahanap at pagliligtas sa dagat, seguridad na pandagat, pananaliksik na pandagat, pangangalaga ng kapaligiran at pangingisda.
Kinilala din ng dalawang panig ang mahalagang papel ng mga multilateral na platapormang panrehiyon sa pangangalaga ng katatagan. Inulit din nilang magsisikap sila para komprehensibo at mabisang maisakatuparan ang Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), at panatilihin ang positibong tunguhin ng pagsasanggunian tungkol sa Code of Conduct in the South China Sea (COC) para marating ang pagkakaisa sa usaping ito sa lalong madaling panahon.
Ang delekasyon ng Tsina ay pinamumunuan ni Kong Xuanyou, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina, samantalang si Meynardo LB. Montealegre, Asistenteng Kalihim ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) ng Pilipinas, ang pinuno ng panig Pilipinas.
Salin: Lele