Matapos ang unang biyahe ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa tatlong bansang Europeo sa kasalukuyang taon, ang Europa ang siya ring naging unang destinasyon ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa taong ito. Ito ay nagpapakita ng kahalagahan ng relasyong Sino-Europeo. Tulad ng sinabi ng isang lider ng Unyong Europeo (EU), ang kahalagahang ito ay "walang katulad."
Martes ng hapon, Abril 9 (local time), 2019, idinaos sa Brussels nina Premyer Li, Donald Tusk, Presidente ng European Council; at Jean-Claude Juncker, Presidente ng European Commission, ang Ika-21 Pagtatagpo ng mga Lider ng Tsina at EU kung saan inilabas ang magkakasanib na pahayag.
Sa kasalukuyan, ang Pagtatagpo ng mga Lider ng Tsina at Europa ay nasa pinakamataas na lebel na mekanismo ng diyalogong pulitikal sa pagitan ng Tsina at EU. Kaugnay nito, noong isang taon, magkasamang ipinagdiwang sa Beijing ng dalawang panig ang ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng mekanismong ito. Buong pagkakaisang sinang-ayunan ng dalawang panig na palakasin ang kooperasyon para mapalawak ang komong kapakanan at patuloy na mapayaman ang mga natamong bunga. Ito ay isang magandang impormasyon para sa masalimuot at nagbabagong situwasyong pandaigdig.
Sa mula't mula pa'y iginigiit ng Tsina ang ideya ng pagbubukas sa labas, at taglay ng Europa ang tradisyon ng pagbubukas. Bilang kapwa responsableng magkatuwang, ang Tsina at Europa ay nagsisilbing mahalagang puwersa sa pagpapasulong ng kapayapaan, katatagan, at kasaganaang pandaigdig. Ang walang humpay na pagpapalalim ng komprehensibo't estratehikong partnership ng dalawang panig ay hindi lamang nakakapagbigay ng benepisyo sa kanilang mga mamamayan, kundi nakakapaghatid din ng bagong kasiglahan sa kayariang pandaigdig.
Salin: Li Feng