Idinaos nitong Martes ng hapon, Abril 9, local time sa Brussels, Belgium, punong himpilan ng European Union (EU) ang Ika-21 Pulong ng mga Lider ng Tsina't EU. Magkakasama itong pinanguluhan nina Premyer Li Keqiang ng Tsina, Presidente Donald Tusk ng European Council, at Presidente Jean-Claude Juncker ng European Commission. Napagkasunduan ng dalawang panig na ibayo pang pasulungin ang bilateral na relasyon at pagtutulungan sa hinaharap. Kapuwa rin nila ipinahayag ang buong-tatag na suporta sa multilateralismo at malayang kalakalan.
Sumang-ayon ang Tsina't EU na matatapos sa taong 2019 ang lahat ng kakailanganing masusing progreso para China-EU Comprehensive Investment Agreement sa 2020. Sa prosesong ito, nangako ang dalawang panig na ibayo pang palalawakin at pagiginhawahin ang pagpasok sa pamilihan ng isa't isa.
Inulit din ng dalawang panig ang pangako na palalimin ang partnership ng Tsina't EU na nagtatampok sa kapayapaan, kaunlaran, reporma at sibilisasyon, at babalangkasin ang bagong agenda para sa kooperasyon simula 2020.
Inilabas din ng Tsina't EU ang magkasanib na pahayag hinggil sa katatapos na pagtatagpo ng mga lider.
Salin: Jade
Pulido: Rhio