Inilabas ngayong araw, Lunes, ika-22 ng Abril 2019, sa Beijing, ng Tanggapan ng Namumunong Grupo sa Pagpapasulong ng Belt and Road Initiative (BRI), ang ulat ng paglagom ng mga progreso, ambag, at prospek ng inisyatibang ito.
Ayon sa ulat, nitong mahigit 5 taong nakalipas sapul nang iharap ng Tsina ang BRI, aktibong lumalahok dito ang parami nang paraming bansa at organisasyong pandaigdig, at kinikilala ng komunidad ng daigdig ang inisyatibang ito bilang bagay para sa bukas, inklusibo, at komong pag-unlad, sa halip na "exclusionary bloc."
Ayon pa rin sa ulat, natatamo ng BRI ang mga bunga sa limang pangunahing aspekto tulad ng pagkokoordinahan sa mga patakaran, konektibidad ng imprastruktura, pagpapasulong ng kalakalan, integrasyong pinansyal, at pagpapahigpit ng pagpapalitan ng mga mamamayan. Anang ulat, mula noong 2013 hanggang 2018, lumampas sa 6 na trilyong Dolyares ang kabuuang halaga ng kalakalan sa pagitan ng Tsina at mga bansa sa kahabaan ng Belt and Road, at mahigit sa 90 bilyong Dolyares ang direktang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa naturang mga bansa. Ipinatupad din ang lahat ng 279 na bungang natamo sa unang Belt and Road Forum for International Cooperation na idinaos noong 2017, dagdag ng ulat.
Sinabi rin ng ulat, na sa hinaharap, patuloy na ilalatag ng BRI para sa iba't ibang bansa ang landas ng kapayapaan, kasaganaan, pagbubukas, berdeng pag-unlad, inobasyon, sibilisasyon, at malinis na pamamahala. Pasusulungin din nito ang globalisasyong pangkabuhayan, upang ito ay maging mas bukas, inklusibo, balanse, at makakabuti sa lahat.
Salin: Liu Kai