Ipinahayag ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kahandaan ng bansa na lumagda ng Kasunduan sa Malayang Kalakalan (FTA) sa mas maraming bansa.
Sa kanyang talumpati ngayong araw, Abril 26 sa seremonya ng pagbubukas ng Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF), inilahad ni Xi na kaugnay nito, makikipagtalasatasan ang Tsina sa mga bansang kasapi ng Belt and Road Initiative (BRI) para maitatag ang mekanismong pangkooperasyon sa larangan ng adwana, pagbubuwis, pag-a-audit, at pagpaparehistro ng mga kuwalipikadong kompanya. Ipinagdiinan din ng pangulong Tsino ang kahalagahan ng digital technology at inobasyon sa magkakasamang pagpapasulong ng BRI para sa komong kasaganaan. Hinggil dito, inulit din ni Xi ang pangako ng Tsina sa pagsuporta sa pagsasanay at pananaliksik sa inobasyong panteknolohiya ng mga kasaping bansa ng BRI para mapasulong ang pag-unlad ng sektor ng information and communication technology (ICT).
Salin: Jade
Pulido: Rhio