Mula Mayo 9 hanggang 10, 2019, ginanap sa Washington D.C. ang ika-11 round ng pagsasanggunian ng Tsina at Amerika sa mataas na antas hinggil sa mga isyung pangkabuhaya't pangkalakalan. Pagkatapos ng pagsasangguniang ito, ipinahayag ni Liu He, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina (CPC), Pangalawang Premyer, at Puno ng Panig Tsino sa komprehensibong diyalogong pangkabuhayan sa Amerika, na napakahalaga ng relasyong Sino-Amerikano. Aniya, ang relasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng Tsina at Amerika ay nagsisilbing puwersang tagapagpasulong sa relasyong Sino-Amerikano. Ito ay hindi lamang may kaugnayan sa relasyon ng dalawang bansa, kundi maging sa kapayapaan at kasaganaan ng buong daigdig. Ang kooperasyon ay tanging tumpak na pagpili ng dalawang panig, ngunit may prinsipyo ang kooperasyong ito, at sa mga mahalagang isyu, hinding hindi yuyukod ang panig Tsino, dagdag niya.
Ipinahayag ni Liu na sa kasalukuyang pagsasanggunian, isinasagawa ng dalawang panig ang matapat at konstruktibong pagpapalitan. Ipinaliwanag aniya ng Tsina ang paninindigan sa mga isyu, at tinalakay ang mga nilalaman ng pagsasanggunian sa susunod na yugto. Sinang-ayunan aniya ng dalawang panig na patuloy na idaraos ang pagsasanggunian. Buong tinding tinututulan ng panig Tsino ang pagdaragdag ng Amerika ng taripa sa mga produktong Tsino, at ito ay hindi nakakabuti sa Tsina, Amerika, at buong daigdig, aniya pa.
Ipinagdiinan niya na ang lalagdaang kasunduan ng dalawang panig ay dapat maging pantay at may mutuwal na kapakinabangan. Sa mga mahalagang isyung may kaugnayan sa prinsipyo, hinding hindi yuyukod ang panig Tsino. Sa kasalukuyan, narating ng dalawang panig ang mga mahalagang pagkakasundo sa maraming aspekto, ngunit dapat lutasin ang tatlong nukleong pagkabahala ng panig Tsino na kinabibilangan ng una, dapat kanselahin ang lahat ng karagdagang taripa; ikalawa, dapat umangkop sa katotohanan ang bilang ng trade purchasing; ikatlo, dapat pabutihin ang pagkabalanse ng dokumento. Ani Liu, sapul noong isang taon, ilang talastasan ang idinaos ng dalawang panig, at lumitaw ang ilang alitan. Ito ay normal, aniya pa.
Salin: Li Feng