Nagkaisa ang mga ministrong pangkalakalan ng Asia-Pacific Economic Cooperation Organization (APEC) sa pangangalaga sa multilateral na sistemang pangkalakalan. Nangako rin silang pabilisin ang pagpapatupad ng mga Bogor Goal para makalikha ng malaya at bukas na kapaligiran ng kalakalan at pamumuhunan sa rehiyon at mapalalim ang integrasyong pangkabuhayan ng Asya-Pasipiko.
Nakasaad ang nasabing desisyon sa magkasanib na pahayag na inilabas ng mga ministrong pangkalakalan ng APEC makaraan ang kanilang pagtitipun-tipon sa Viña del Mar, Chile, nitong Sabado, Mayo 18, local time.
Itinatag ang APEC noong 1989. Layon nitong mapaginhawa ang paglaki ng kabuhayan, mapasulong ang pagtutulungang panteknolohiya at pangkabuhayan, at mapasulong ang pasilitasyon at liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan ng rehiyong Asya-Pasipiko. Noong 1994, sa pagtatagpo ng mga lider ng APEC sa Bogor, Indonesia, ipinatalastas nila ang pangmatagalang pakay ng malaya at bukas na kalakalan at pamumuhunan ng Asya-Pasipiko na nakatakdang isakatuparan hindi lalampas sa taong 2020.
Salin: Jade
Pulido: Rhio