Bilang tugon sa pananalita kamakailan ng ilang diplomatang Amerikano hinggil sa di-umano'y pagnanakaw ng Tsina sa karapatan sa pagmamay-ari ng likhang-isip IPR, sinabi ni Zhang Ping, Pangalawang Direktor ng Paaralan ng IPR ng Peking University na batay sa pananaliksik niya nitong mahigit sampung taon, ang mataas na halaga na siningil ng mga kompanyang Amerikano sa mga kompanyang Tsino at dayuhan sa paggamit ng IPR ay hindi ibinibilang sa kitang pangkalakalan ng pamahalaang Amerikano. Ginawa ni Gng Zhang bilang halimbawa ang pagbayad ng ChinaUnicom, telecom carrier ng Tsina ng bilyun-bilyong dolyares sa paggamit ng Code Division Multiple Access (CDMA) technology mula sa Qualcomm, telecom giant ng Amerika. Ang nasabing transaksyon ng paggamit ng IPR ay hindi isinama sa bilateral na kalakalang Sino-Amerikano, dagdag pa ni Zhang.
Ayon sa datos, noong 2018, umabot sa 35.8 bilyong dolyares ang binayaran ng mga kompanyang Tsino sa paggamit ng mga patente at teknolohiya. Nahanay ito sa ika-4 na puwesto sa daigdig. Bukod dito, pumangalawa ang Tsina sa daigdig pagdating sa gastos sa mga teknolohiyang dayuhan na ginamit sa loob ng Tsina. Kaugnay nito, ginawa naman ni Xu Jiabin, Propesor ng Paaralan ng Komersyo ng Renmin University ng Tsina, ang Apple Inc. bilang halimbawa. Ani Xu, maraming proseso ng paggawa ng Iphone sa mga pabrika sa Tsina ang hay-tek, at ipinakikita nito ang maayos na pangangalaga ng Tsina sa IPR at tiwala rito ng mga kompanyang dayuhan na tulad ng Apple.
Salin: Jade
Pulido: Rhio