Sa panahon ng kanyang pagdalo sa pulong ng Council of Foreign Ministers ng Shanghai Cooperation Organization (SCO) sa Bishkek, Kyrgyzstan, ipinahayag Miyerkules, Mayo 22, 2019 ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na sa pamamagitan ng puwersang pampamahalaan, ang walang batayang pagtarget ng Amerika sa isang pribadong bahay-kalakal na tulad ng Huawei ay klasikal na economic bullying.
Ani Wang, sa kasalukuyan, ayaw ng ilang tao sa loob ng Amerika na magkaroon ang Tsina ng lehitimong karapatang pangkaunlaran, at nagtatangka silang humadlang sa proseso ng pag-unlad ng Tsina. Hindi kikilalanin at kakatigan ng komunidad ng daigdig ang ganitong kilos ng panig Amerika, dagdag ni Wang.
Sinabi niyang pinagtibay sa kasalukuyang pulong ng Council of Foreign Ministers ng SCO ang komunike, kung saan magkasamang tinututulan ang unilateralismo at proteksyonismong pangkalakalan sa anumang porma. Binigyang-diin din aniya ng komunike ang pagtutol sa may-pinapanigang aksyon sa pandaigdigang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, sa larangan ng digital economy at telecommunication technology, batay sa anumang katuwiran.
Salin: Vera