Sinabi ngayong araw, Biyernes, ika-24 ng Mayo 2019, sa Beijing, ni Tagapagsalita Lu Kang ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagkakaiba sa ideolohiya ay hindi humahadlang sa kooperasyon ng mga bansa sa kabuhayan, kalakalan, industriya, siyensiya, at teknolohiya.
Sinabi kamakailan ni Mike Pompeo, Kalihim ng Estado ng Amerika, na malalim ang pakikipag-ugnayan ng Huawei sa Partido Komunista ng Tsina (CPC) at pamahalaang Tsino, at magdudulot ito ng malaking panganib, kung mapupunta ang mga impormasyon ng Amerika sa network ng Huawei.
Kaugnay nito, sinabi ni Lu, na ang naturang pananalita ni Pompeo ay layong maghanap ng pangangatwiran sa aspekto ng ideolohiya para sa paglulunsad ng trade war at technology war laban sa Tsina, pero aniya hindi makatwiran ang pangangatwirang ito. Ipinaliwanag ni Lu, na sa simula pa itinatag ng Tsina at Amerika ang relasyong diplomatiko, nilagdaan ng dalawang bansa ang kasunduan sa kooperasyong pansiyensiya at panteknolohiya, at nitong 40 taong nakalipas sapul noong panahong iyon, isinasagawa ng iba't ibang administrasyon ng Amerika at pamahalaang pinamumunuan ng CPC ang maraming uri ng kooperasyon. Ito aniya ay hindi apektado ng pagkakaiba sa ideolohiya ng dalawang bansa. Samantala, dagdag ni Lu, kung titingnan ang PRISM surveillance program ng Amerika at pagsasalamangka ng pamahalaang Amerikano para magbigay-daan sa pagbili ng kompanyang Amerikano ng ilang negosyo ng Alstom Company ng Pransya, napagtanto ng mga tao na kahit magkapareho sa ideolohiya, isinagawa pa rin ng Amerika ang mga di-etikal na hakbangin laban sa mga kaalyado nito.
Salin: Liu Kai