Naglakbay-suri kamakailan si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa bahay-kalakal ng rare earth sa Ganzhou, lalawigang Jiangxi sa gitna ng bansa, at nagbigay siya ng mga instruksyon hinggil sa sustenableng pag-unlad ng industriya ng rare earth.
Kaugnay nito, sinabi ng opisyal ng Pambansang Komisyon sa Pag-unlad at Reporma ng Tsina, na bilang pinakamalaking bansang tagapagsuplay ng rare earth, laging pinapasulong ng Tsina ang industriyang ito batay sa prinsipyo ng pagbubukas, pagkokoordina, at pagbabahagi. Nakahanda aniya ang Tsina na iluwas sa iba't ibang bansa ang rare earth para matugunan ang angkop na pangangailangan at yariin ang mga maunlad na produkto. Pero aniya pa, hindi papayag ang Tsina na gamitin ng ibang bansa ang mga produktong hay-tek na yari mula sa rare earth ng Tsina, para gipitin at hadlangan ang pag-unlad nito.
Pagdating naman sa alitang pangkalakalan ng Tsina at Amerika, sinabi rin ng nabanggit na opisyal, na malakas ang pagkokomplimento sa industrial chain ng Tsina at Amerika. Ang kooperasyon aniya ay nagdudulot ng benepisyo sa kapwa panig, at walang mananalo sa trade war.
Salin: Liu Kai