Nang kapanayamin kahapon, Martes, ika-28 ng Mayo 2019, sa Beijing, ipinahayag ng mga kalahok sa 2019 China Global Think Tank Innovation Summit, na ang pagpapasidhi ng Amerika ng alitang pangkalakalan sa Tsina ay nagdudulot ng lubos na negatibong epekto sa kabuhayang pandaigdig.
Sinabi ni Christopher Preble, Pangalawang Presidente ng Cato Institute ng Amerika, na itinuturing ng administrasyon ni Donald Trump ang kalakalan bilang "zero-sum game." Batay sa ideyang ito aniya, ipinalalagay ng pamahalaang Amerikano na ang tagumpay sa kabuhayang natamo ng Tsina nitong mga taong nakalipas ay nagresulta sa pagkawala ng benepisyo ng Amerika. Pero, hindi totoo ang palagay na ito, ani Preble.
Sinabi naman ni Tim Summers, mataas na mananaliksik ng Chatham House ng Britanya, na sa short term, ang pagpapasidhi ng pamahalaang Amerikano ng alitang pangkalakalan sa Tsina ay makakaapekto sa paglaki ng GDP ng kapwa bansa, at magdaragdag ng hamon sa kabuhayang pandaigdig. Sa long term naman aniya, hahadlangan nito ang takbo ng mga kompanya ng dalawang bansa at mga transnayonal na kompanya, at pahihirapan ang kasalukuyang global industrial chain at supply chain.
Ipinalalagay naman ni Wang Jian, Direktor ng International Business Research Center ng University of International Business and Economics ng Tsina, na ang paglulunsad ng pamahalaang Amerikano ng trade war sa Tsina ay hindi magpapahinto ng kooperasyon ng dalawang bansa sa kalakalan, industriya, at teknolohiya, at hindi rin hahadlang sa tunguhin ng globalisasyon.
Salin: Liu Kai