Bilang tugon sa pangangailangan ng parami nang paraming turistang Tsino na maglakbay sa Pilipinas, ipinahayag kamakailan ng China Southern Airlines, na simula ngayong araw, Sabado, ika-15 ng Hunyo 2019, daragdagan ang mga flight sa pagitan ng Guangzhou, lunsod sa katimugan ng Tsina, at mga pangunahing destinasyon sa Pilipinas na gaya ng Manila at Cebu. Dahil dito, ihahatid araw-araw ng naturang airline company ang mahigit 800 pasahero sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon naman sa estadistika ng Kagawaran ng Turismo ng Pilipinas, noong Abril ng taong ito, ang bilang ng mga turistang Tsino ay nasa unang puwesto sa pagitan ng mga turistang dayuhan sa Pilipinas. Ang bilang na ito ay umabot sa halos 140 libo, at mas malaki ng 26.8% kaysa gayun ding panahon ng nagdaang taon.
Salin: Liu Kai