Ipinadala ngayong araw, Linggo, ika-9 ng Hunyo 2019, ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng Pilipinas ang mensahe bilang pagbati sa ika-44 na anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng dalawang bansa at ika-121 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Sinabi ni Xi, na ikinalulugod niyang makita ang walang humpay na pagtamo ng Pilipinas ng bagong tagumpay sa mga usaping pang-estado sa pamumuno ni Duterte.
Dagdag ni Xi, sa kasalukuyan, matatag na bumubuti ang relasyong Sino-Pilipino, at mabunga ang kooperasyon sa iba't ibang aspekto. Aniya, noong Abril ng taong ito, dumalo si Duterte sa Beijing sa Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation, at itinakda nila ang blueprint ng relasyon ng dalawang bansa.
Ipinahayag din ni Xi ang lubos na pagpapahalaga sa pag-unlad ng relasyong Sino-Pilipino. Nakahanda aniya siyang magsikap, kasama ni Duterte, para pasulungin sa bagong antas ang komprehensibo, estratehiko, at kooperatibong relasyon ng Tsina at Pilipinas, at ihatid ang mas maraming benepisyo sa dalawang bansa at kani-kanilang mga mamamayan.
Salin: Liu Kai