|
||||||||
|
||
Entablado
Matatamis na ngiti, mainit na pagbati, masasarap na putaheng Pilipino, mga taong naka-Barong Tagalog at Baro't Saya, at mga diplomata mula sa iba't-ibang bansa; ito ang tagpo, Hunyo 12, 2019 sa Infinity Ballroom ng Hilton Hotel, Beijing dahil sa inihandang pagdiriwang ng Pasuguan ng Pilipinas sa Beijing para sa Ika-121 Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas.
Habang tinutugtog ang mga pambansang awit ng Pilipinas at Tsina
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na ang unang Republika ng Pilipinas ay isang maningning na simbolo ng kalayaan para sa Asya.
Ito aniya ay nagbigay-inspirasyon sa ibat-ibang bansa sa rehiyon na igiit ang kanilang karapatan para sa sariling pamamahala.
Sa ngayon, aniya, ang Pilipinas ay nagpupunyagi upang makapaghain ng positibong pagbabago para sa mga mamamayan nito, at nakikipag-ugnayan sa mundo sa ilalim ng diwa at prinsipyo ng pakikipagkaibigan.
Ang tema ng pagdiriwang sa taong ito ay "Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan."
Keyk para sa pagdiriwang
Hinggil dito, sinabi ni Sta. Romana, na ang tapang ay ang nagtulak sa mga ninunong Pilipino upang lumaban at magpunyagi para sa kalayaan, at ang malasakit naman ang puwersa upang maabot ang pambansang pangarap. Dagdag ng embahador, napapaloob din sa diwa ng tapang at malasakit ang kuwento ng matalik na pagkakaibigan ng Pilipinas at Tsina, na hindi kayang hadlangan ng malawak na karagatan.
Embahador Jose Santiago Sta. Romana (kailwa) at Vice Minister Luo Zhaohui (kanan) habang itinataas ang kanilang baso para sa tagay pangkaibigan
May pagmamalaking isinalaysay ni Sta. Romana, na noong panahong bagong tatag pa lamang ng Unang Republika ng Pilipinas, panibagong banta sa kalayaan ng mga Pilipino ang kinaharap nito. Dahil, sa kooperasyon nina Don Mariano Ponce, noon ay Embahador ng Pilipinas sa Yokohama, Hapon at Dr. Sun Yat-sen, kilalang rebolusyonaryong lider Tsino na may malaking papel sa pagpapabagsak sa imperyal na pamamahala sa Tsina, maraming armas ang naibigay sa mga Pilipinong sundalo.
Jose Santiago Sta. Romana, Embahador ng Pilipinas sa Tsina
Nang ang Tsina naman ang nasadlak sa maigting na situwasyon, lumikom ng pondo si Ponce upang ibigay sa mga kaibigang Tsino, anang embahador.
Hindi lamang ipinagpatuloy ng mga pagpupunyagi nina Ponce at Dr. Sun ang matagal at matalik nang pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino, ito rin ang naging pundasyon ng panghinaharap na kooperasyon ng Republika ng Pilipinas at Republika ng Bayan ng Tsina.
Sa pagbisita aniya ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pilipinas noong nakaraang taon, naitaas sa Komprehensibong Estratehikong Kooperasyon ang Ugnayang Pilipino-Sino.
Dagdag ng embahador, nakita ang diwang ito sa produktibong diskusyon nina Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi sa Ika-2 Belt and Road Forum for International Cooperation (BRF), na ginanap kamakailan sa Beijing.
"Ang personal na pagkakaibigan nina Pangulong Duterte at Pangulong Xi ay sumasalamin sa pagkakaisa ng mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid na Asyano," saad niya.
Idinagdag ng embahador, na sa ngayon, patuloy ang kooperasyon ng Pilipinas at Tsina, base sa mutuwal na tiwala at pagkakaintindihan, at ang kooperasyong ito ay magpapatuloy ayon sa komong mithiin ng mga mamamayan ng dalawang bansa para sa pagkakaroon ng maunlad at buhay na mapayapa.
Luo Zhaohui, Pangalawang Ministrong Panlabas ng Tsina
Sa kanya namang hiwalay na talumpati, sinabi ni Luo Zhaohui, Vice Minister ng Ministri ng Ugnayang Panlabas ng Tsina, na ang Tsina at Pilipinas ay mabuting magkapit-bansa sa magkabilang dako ng karagatan.
Aniya, may mabuting sentimiyento ang pamahalaan at mga mamamayang Tsino sa mga mamamayang Pilipino.
Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte, malaking progreso aniya ang natamo ng Pilipinas sa larangan ng kalikasan, lipunan, ekonomiya at marami pang iba.
Ani Luo, ito ay mabuti dahil ang mga ito ay lilikha ng panibagong oportunidad upang palakasin ang kooperasyon ng Tsina't Pilipinas sa ibat-ibang larangan.
Sa pagbibisita ni Pangulong Xi sa Pilipinas at pagdalo ni Pangulong Duterte sa Ika-2 BRF sa Beijing, maraming kasunduan ang narating, at kasama ng Pilipinas, magpupunyagi aniya ang Tsina upang ma-implementa ang mga napagkasunduang ito.
Aniya pa, nasa tamang direksyon ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea (COC) at sa tulong ng Pilipinas at lahat ng bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), maitatayo ang karagatang ito bilang karagatan ng kapayapaan at pagkakaibigan.
DDS-OFWGMAC, The Filipino Teachers, BICF Filipino Church, Filipino Community in Beijing (FilComBei), at BIMPAAK Igorots in China-Litrato-- kuha ni Rochelle Cayetano
Embahador Jose Santiago Sta. Romana kasama ang mga miyembro ng coverage team ng Serbisyo Filipino
Imbitado rin sa pagdiriwang ang mga grupong Pinoy sa Beijing na tulad ng DDS-OFWGMAC, The Filipino Teachers, BICF Filipino Church, Filipino Community in Beijing (FilComBei), at BIMPAAK Igorots in China.
Turon
Mga ulam
Ulat: Rhio
Larawan: Lele
Web-edit: Jade/Lele
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |