|
||||||||
|
||
Limang pelikulang Pinoy ang kalahok sa 2019 Shanghai International Film Festival (SIFF). Kabilang dito ang Hintayan ng Langit (Heaven's Waiting) ni Dan Villegas, Thy Womb at Alpha, The Right to Kill ni Brillante Mendoza, Persons of Interest ni Ralston Jover at Kuya Wes ni James Mayo.
Ang pelikulang Hintayan ng Langit ay ipinalalabas bilang bahagi ng film week ng The Belt and Road Film Festival Alliance, kung saan kasapi ang Pilipinas at iba pang 30 bansa. Nabuo ito noong 2018 sa ilalim ng SIFF. Ngayon taon may 7 bagong miyembro ang alyansa.
Ang 2019 Belt and Road Film Week ay may temang "The Light of Life." Ang mga pelikula na itinatanghal ay nagpapakita ng ilaw sa puso ng mga tao. Anumang kultura, relihiyon o estado sa lipunan, saan man sa mundo ay tanggap ang universal value ng liwanag sa buhay.
Sa screening ng Hintayan ng Langit na ginanap ngayong umaga Hunyo 17, sa Premiere Cinema ng Kerry Centre sinabi ni Scarlet Lee, moviegoer, simple ang pelikula pero naantig ang kanyang damdamin. Di man gaano kagaling ang musika at sinematograpiya, ani Lee nagustuhan niya ang kwento. "Bilang isang Tsino, natatanggap at nauunawaan ko ang kwentong ito, walang malaking pagkakaiba sa mga pelikulang Tsino, love story lang," saad ni Lee.
Samantala sinabi naman ni Helen Wang, estudyante mula sa isang pamantasan sa Shanghai, nagtaka siya sa pamagat. Pinanood niya ang pelikula para malaman kung ano ang lugar na "hintayan" tungo sa langit. Aniya taliwas ang naging takbo ng kwento sa tradisyunal na paniniwala . Hinggil sa ending ng pelikula, mas maganda ani Wang kung bukas ang ending, may puwang para pag-isipan ng mga manonood at paglaruan sa imahinasyon kung tama o mali ang naging desisyon ng mga bida.
Ang Hintayan ng Langit (Heaven's Waiting) ni Dan Villegas ay nagtampok kina Gina Pareno at Eddie Garcia. Kwento ito ni Lisang, kaluluwang 2 taon ng nasa Hintayan, at bakit siya laging pasaway na dahilan kung bakit naaantala ang kanyang pag-akyat sa langit.
Ulat: Mac at Vera
Larawan: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |