Nakatakdang idaos sa Bangkok, Thailand ang Ika-34 na Summit ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) mula Hunyo 22 hanggang Hunyo 23.
Mauna sa summit, naka-iskedyul na idaos mula Hunyo 21 hanggang Hunyo 22 ang Espesyal na Pulong ng mga Ministrong Pangkabuhayan ng ASEAN. Layon nitong pasulungin ang pagtatapos ng talastasan ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), bago magtapos ang taong ito. Ang talastasan ng RCEP ay binubuo ng sampung bansang ASEAN at anim na dialogue partner nito na kinabibilangan ng Tsina, Timog Korea, Hapon, Australia, New Zealand at India.
Ayon sa pahayag ng Ministring Panlabas ng Thailand, ang tema ng gaganaping ASEAN Summit ay "Buong-pagkakisang Pagpapasulong ng Sustenableng Pag-unlad." Kabilang sa mga pangunahing paksa ang pagpapasulong ng pagtatatag ng ASEAN Community na nagpapauna sa kapakanan ng mga tao at nakatuon sa hinaharap, digitalization, luntiang kabuhayan, konektibidad, at pagpapalakas ng nukleong papel ng ASEAN. Nakatakdang ilabas ng mga lalahok na lider ang magkasanib na pahayag at plano ng aksyon hinggil sa sustenableng pag-unlad. Tatalakayin din nila ang hinggil sa epekto sa kabuhayang panrehiyon ng alitang pangkalakalan ng Tsina't Amerika, estratehiyang Asya-Pasipiko ng Amerika, kalagayan ng Korean Peninsula, isyu ng South China Sea, isyu ng mga Rohingya refugee, aplikasyon ng East Timor sa pagsapi sa ASEAN, at iba pa.
Salin: Jade
Pulido: Rhio