|
||||||||
|
||
Sapul nang ilunsad ng pamahalaang Amerikano ang digmaang pangkalakalan laban sa Tsina, may iilang pulitikong Amerikano na gaya ni Senador Marco Rubio ang nang-uudyok sa di-umano'y paghihiwalay o decoupling ng Tsina't Amerika. Tangka nilang putulin ang ugnayan ng dalawang bansa sa kabuhayan, kalakalan, siyensiya't teknolohiya, kultura, at iba pa. Masasabing nakalimutan na ng naturang mga pulitikong Amerikano ang kasaysayan ng pag-unlad ng Amerika, kung saan nagpakayaman ang kanilang mga ninuno, sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan sa Tsina.
Noong Pebrero 22, 1784, kaarawan ni George Washington, ilang taon makaraang magsarili ang Estados Unidos, bilang tugon sa blokeyong pangkabuhayan mula sa Britanya, nagpadala ang pamahalaang Amerikano ng bapor na komersyal na tinawag na Empress of China o Chinese Queen, para makipagkalakalan sa Tsina. Noong Agosto 28 nang taon ring iyon, dumating ang bapor sa Guangzhou, Tsina, at nagsimula ang direktang kalakalan sa pagitan ng pinakamakasaysayan at pinakabatang bansa sa magkabilang dako ng Karagatang Pasipiko. Sa mahigit tatlong buwang pananatili sa Guangzhou, ang Empress of China ay nagbenta ng American ginseng, paminta, bulak, tingga at iba pa, at bumili ng mga produktong Tsino na gaya ng tsaa, porselana, panindang sulta, at cinnamon. Mahigit 30,000 dolyares ang kita ng biyahe ng Empress of China.
Inilarawan ng New York Post ang paglayag ng Empress of China bilang "unang muhon sa kasaysayang komersyal ng Amerika." Pagkaraan, mas maraming bapor na Amerikano ang nakilahok sa pakikipagkalakalan sa Tsina. Bunga nito, noong 1790s, ang Amerika ay nakahigit sa mga tradisyonal na malakas bansang pangkalakalan na gaya ng Netherlands, Denmark, Pransya, at Portugal, at naging ikalawang bansa na may pinakamalaking kalakalan sa Tsina. Si George Washington mismo ay suki ng mga panindang Tsino na gaya ng platong porselana, telang bulak, panyong sutla at iba pa.
Kinakitaan ang kasaysayan na mahigit 200 taon ang nakakaraan, salamat sa pakikipagkalakalan sa Tsina, nakaalpas ang Amerika sa blokeyong pangkabuhayan at tumahak sa landas ng paglago. Sa kasalulukuyan, bilang dalawang pinakamalaking ekonomiya sa daigdig, ang Tsina't Amerika ay nagiging pinakamalaking trade partner sa isa't isa. Noong 2018, umabot sa 633.5 bilyong dolyares ang bilateral na kalakalan sa paninda. Araw-araw, mahigit 14,000 mamamayan ang naglalakbay sa pagitan ng dalawang bansa. Lampas sa 700 bilyong dolyares ang taunang kita ng pagbebenta ng mga bahay-kalakal na Amerikano sa Tsina, at umabot sa mahigit 50 bilyong dolyares ang kanilang tubo. Mahirap na unawaing may puwersang nais na paghiwalayin ang Tsina't Amerika na mahigpit na integrado at komplementaryo ang ugnayan.
Mahigit 600 kilalang kompanyang Amerikano na gaya ng Walmart at Target ay nagpadala kamakailan ng magkasanib na liham sa pamahalaang Amerikano bilang kahilingan sa paglutas sa alitang pangkalakalan sa Tsina. Tinukoy rin nilang ang pagpapataw ng karagdagang taripa sa mga panindang Tsino ay nakakapinsala sa interes ng mga kompanya at mamimiling Amerikano. Sa pagdinig kamakailan ng panig Amerikano hinggil sa pagpapataw ng karagdagang taripa sa 300 bilyong dolyares na produktong Tsino, ipinahayag ng mga kinatawan mula sa mga kompanya at samahan ng industriya, na kinabibilangan ng mga kompanya ng paggawa ng damit at kompanya ng paggawa ng mga produktong pambata, ang kani-kanilang pagtutol sa taripa laban sa mga panindang Tsino. Ipinalalagay nilang hindi mahahalinhan ang mga produktong Tsino. Kasabay nito, buong-higpit ang pag-uugnay sa kabuhayan ng dalawang bansa. Ang mga kompanyang Amerikano ng paggawa ay umaasa sa malaking produksyong may mataas na pamantayan ng mga pabrikang Tsino. Ang mga mamimiling Amerikano ang pinakaapektado kung ipapataw ang karagdagang taripa, dagdag pa nila.
Malawakan ang kalakalan ng Tsina't Amerika. Dahil dito, normal kung may alitan. Ang susi ay magkasamang maghanap ang magkabilang panig ng kalutasan para mapaliit ang pagkakaiba at mapalawak ang pagkakasundo.
Sa kabila ng pang-uudyok ng iilang pulitikong Amerikano, pinapatunayan ng kasaysayan at katotohanan na hindi maaaring maghiwalay ang Tsina't Amerika. Higit pa, ang kooperasyon ay makakabuti sa kapuwa, at ang komprontasyon ay makakasira sa kapuwa. Para sa Estados Unidos na nasa estratehikong kalabuan, kailangan nitong balik-tanawin ang kasaysayan ng pagsimula ng komersyo at kalakalan ng bansa. Malinaw na ang pakikipaghiwalay sa Tsina ay nangangahulungan ng pagbaklas sa oportunidad at kinabukasan. Maituturing din itong paghihiwalay sa buong daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |