Ipinahayag ng Tsina ang pag-asang ang Ika-14 na G20 Summit na gaganapin sa Osaka, Hapon, ay magpapakita ng signal ng pagsuporta sa multilateralismo, pagtutol sa unilateralismo, pagkatig sa pagbubukas at pagiging inklusibo, paghikayat sa pagtutulungan para sa komong kasaganaan at paglaban sa panunupil.
Winika ito ni Geng Shuang, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina sa regular na preskon nitong Martes, Hunyo 25, kaugnay ng mga ulat ng International Monetary Fund (IMF) at World Trade Organization (WTO). Ayon sa mga ulat na inilabas nitong Lunes, kapuwa ipinahayag ng nasabing dalawang organisasyong pandaigdig ang pagkabahala sa prospek ng kabuhayan ng daigdig. Anang mga ulat, ang mga restriktibong hakbangin at tensyong pangkalakalan sa pagitan ng mga miyembro ng G20 ay nauwi sa kawalang-katiyakan ng paglaki ng pandaigdig na kabuhayan. Nanawagan sila sa mga ekonomiya ng G20 na maghawak-kamay para malutas ang naturang isyu.
Ipinalalagay ni Geng na ang naturang mga ulat ay nagpakita ng panlahat na pagkabahala at panawagan ng komunidad ng daigdig. Nakahanda aniya ang Tsina na sa gaganaping G20 Summit, makikipagtalakayan sa iba't ibang panig hinggil sa kalagayan ng pandaigdig na kabuhayan para mapasulong ang paglaki ng pandaigdig na kalakalan at ekonomiya, at magkakasamang matugunan ang mga hamon ng daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Rhio