|
||||||||
|
||
Sa kanilang pag-uusap nitong Huwebes, Hunyo 27, sa Osaka, Hapon, narating nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon ang sampung-puntong pagkakasundo para magkasamang mapasulong ang malusog na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa. Napagkasunduan ng dalawang lider na sa kasalukuyan, sa kabila ng pagkakaiba, maganda ang panlahat na tunguhin ng pag-unlad ng relasyong Sino-Hapones. Nakahanda anila ang dalawang bansa na makatuon sa pagkakasundo at kontrolin ang pagkakaiba para mapasulong ang malusog na pag-unlad ng dalawang bansa.
Nagtagpo ang dalawang lider bago idaos ang dalawang araw na G20 Summit na binuksan ngayong araw. Ito ang ipinahayag ni Wu Jianghao, Direktor-Heneral ng Departamento ng mga Suliraning Asyano ng Ministring Panlabas ng Tsina.
Narito ang sampung-puntong pagkakasundo:
Una, kapuwa mataas na pinapurihan ng dalawang lider ang magandang tunguhin ng bumubuting relasyong Sino-Hapones. Nakahanda silang samantalahin ang dumaraming komong interes, komong pagkabahala at mga bagong pagkakataon para itatag ang relasyong Sino-Hapones na angkop sa kahilingan ng pag-unlad ng bagong panahon.
Ikalawa, inulit nina Xi at Abe ang pananangan sa apat na pulitikal na dokumento ng dalawang bansa. Sumang-ayon din silang ipatupad ang pagkakasundong pulitikal na magka-partner na pangkooperasyon at hindi nagsisilbing banta sa isa't isa ang dalawang bansa.
Ikatlo, sumang-ayon silang pahigpitin ang pag-uugnayan sa mataas na antas para mapalakas ang pagtitiwalaang pulitikal.
Ikaapat, ibayo pang palawakin ang komong interes ng dalawang bansa, sa pamamagitan ng pagpapasulong ng pagtutulungan sa larangan ng inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya, pangangalaga sa karapatan sa pagmamay-ari ng likhang isip (IPR), pamumuhunang pangkabuhaya't pangkalakalan, pinansya, serbisyong medikal at pangkalusugan, pag-aalaga sa mga matanda, pagtitipid sa enerhiya, turismo, at iba pa. kinikilala ni Abe ang papel ng konektibidad ng Belt and Road Initiative (BRI). Ipinahayag naman ni Xi ang mainit na pagtanggap sa paglahok ng Hapon sa nasabing inisyatiba.
Ikalima, pahalagahan at palaganapin ang mga sibilisasyong Asyano at hikayatin ang diyalogo sa pagitan ng iba't ibang kalinangan.
Ikaanim, pasulungin ang pagpapalitan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa para mapalakas ang pag-uunawan.
Ikapito, inulit din ng dalawang lider ang pananangan sa landas ng mapayapang pag-unlad ng Tsina't Hapon. Nakahanda ang dalawang bansa na pahigpitin ang diyalogong diplomatiko at panseguridad.
Ikawalo, maayos na lutasin ang mga sensitibong isyu at magkasamang pangalagaan ang katatagan sa East China Sea.
Ikasiyam, magkasamang pangalagaan ang multilateralismo at mekanismo ng malayang kalakalan, pabilisin ang talastasan hinggil sa kasunduan ng malayang kalakalan sa pagitan ng Tsina, Hapon at Timog Korea, at tapusin ang talastasan hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) bago magtapos ang taong ito.
Ikasampu, tupdin ang responsibilidad na pandaigdig at pahigpitin ang koordinasyon sa mga isyung pandaigdig na gaya ng development aid, pagbabago ng klima, pagkontrol sa armas at disarmament, kalusugan, at iba pa para magkasamang mag-ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig.
Salin: Jade
Pulido: Mac
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |