Mula ika-27 hanggang ika-29 ng Hunyo, 2019, bumisita sa Osaka, Hapon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina, para dumalo sa ika-14 na G20 Summit. Bago matapos ang biyaheng ito, ipinahayag ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na ang kasalukuyang G20 Summit ay ginanap sa panahon ng magulo't pabagu-bagong kalagayang pandaigdig. Aniya, sa anggulo ng pagtatatag ng bagong relasyong pandaigdig at community with a shared future for mankind, nilinaw ni Xi ang direksyon ng kabuhayang pandaigdig at kooperasyong pandaigdig, bagay na nagpapakita ng pangmatalagang pananaw at talino ng lider na Tsino, at papel ng isang responsableng bansa. Ang biyahe ni Xi sa Osaka ay isa pang matagumpay na praktika ng komprehensibong diplomasya ng Tsina, dagdag ni Wang.
Sa kanyang 2-araw na pananatili sa Osaka, dumalo si Pangulong Xi sa mahigit 20 bilateral at multilateral na aktibidad. Iminungkahi niya ang multilateralismo, diwa ng partnership, ideya ng mutuwal na kapakinabangan at win-win results, at paninindigan sa komong kaunlaran. Sinabi ni Wang na sa ilalim ng magkasamang pagsisikap ng iba't ibang panig, ipinadala ng G20 Summit sa Osaka ang tinig ng pagkatig sa multilateralismo.
Kaugnay naman ng relasyong Sino-Amerikano, isinalaysay ni Wang na sa pagtatagpo ng mga lider ng dalawang bansa, nagkaisa ng palagay ang magkabilang panig na patuloy na pasusulungin ang relasyon ng dalawang bansa, batay sa koordinasyon, kooperasyon at katatagan. Ipinatalastas din ng kapuwa panig na sisimulang muli ang pagsasangguniang pangkabuhaya't pangkalakalan, batay sa pagkakapantay-pantay at paggagalangan. Ani Wang, kahit may mga kontradiksyon at alitan ang Tsina at Amerika, nananalig siyang ayon sa mga simulain at komong palagay na tiniyak ng mga lider ng dalawang bansa, palalawakin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at maayos na hahawakan ang iba't ibang problema sa kanilang relasyon, may pag-asang matatag na susulong ang relasyong Sino-Amerikano, at maghahatid ng mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang bansa, maging ng buong daigdig.
Dagdag ni Wang, pagpasok ng Hunyo ng taong ito, apat na beses na bumiyahe sa ibayong dagat si Pangulong Xi, bagay na lumikha ng bagong record sa kasaysayan ng diplomasya ng bagong Tsina. Pinataas aniya ng nasabing 4 na mahahalagang diplomatikong aktibidad ang impluwensiya ng Tsina sa daigdig, at pinabuti ang pangkalahatang pagkakaayos ng diplomasya ng Tsina.
Salin: Vera