Inilabas ngayong araw, Lunes, Hulyo 1, 2019, ng Korean Central News Agency ang ulat hinggil sa pagtatagpo kahapon sa Panmunjom nina Kataas-taasang Lider Kim Jong Un ng Hilagang Korea at Pangulong Donald Trump ng Amerika. Sinabi nitong, lubos na ikinasisiya ng kapwa lider ang resulta ng naturang pagtatagpo.
Ayon pa rin sa ulat, isinagawa ng dalawang lider ang pribadong pagtatagpo, at ang pag-uusap na nilahukan nina Ministrong Panlabas Ri Yong Ho ng Hilagang Korea at Kalihim ng Estado Mike Pompeo ng Amerika. Sinang-ayunan ng dalawang lider na panatilihin ang mahigpit na pag-uugnayan sa hinaharap. Sinang-ayunan din nilang panumbalikin at positibong pasulungin ang konstruktibong diyalogo para sa denuklearisasyon sa Korean Peninsula at pagpapaunlad ng relasyon ng Hilagang Korea at Amerika.
Salin: Liu Kai