Idinaos ngayong araw, Biyernes, ika-5 ng Hulyo 2019, sa Beijing, ang pulong bilang paglalagom sa pagpapalalim ng reporma sa mga organo ng partido at estado. Dumalo at nagtalumpati sa pulong si Xi Jinping, Pangkalahatang Kalihim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina, Pangulo ng bansa, at Tagapangulo ng Sentral na Komisyong Militar.
Binigyang-diin ni Xi, na ang pagpapalalim ng reporma sa mga organo ng partido at estado ay mahalagang hakbangin para sa komprehensibong pagpapalalim ng reporma. Aniya, nitong mahigit isang taong nakalipas sapul nang isagawa ang gawaing ito, natamo ang mahahalagang bunga sa teorya, sistema, at praktika.
Sinabi rin ni Xi, na batay sa mga natamong bunga at karanasan, dapat patibayin ang bunga ng reporma sa mga organo, at patuloy na pabutihin ang mga tungkulin ng mga organo ng partido at estado, para pasulungin ang modernisasyon ng sistema at kakayahan sa pangangasiwa ng bansa.
Salin: Liu Kai