Binuksan kahapon, Miyerkules, ika-24 ng Hulyo 2019, sa Manila, ang 3-araw na Ika-17 China Engineering Technology Expo. Layon ng ekspo ay itanghal ang komprehensibong puwersa at lebel ng teknolohiya ng mga kompanyang Tsino sa mga aspekto ng konstruksyon ng imprastruktura, paggawa ng malalaking kagamitan, may kinalamang industrial chain, at iba pa.
Sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Arthur Tugade, Kalihim ng Transportasyon, na isinasagawa ng pamahalaang Pilipino ang malawak na konstruksyon ng mga imprastrukturang gaya ng paliparan, daambakal, hayway, at iba pa. Ipinahayag niya ang mainit na pagtanggap sa pagpasok ng mga kompanyang Tsino sa pamilihan ng konstruksyon ng mga imprastruktura ng Pilipinas.
Sinabi naman ni Tan Qingsheng, Minister Counselor ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas, na sa ilalim ng mahigpit na pag-uugnayan ng Belt and Road Initiative at Build Build Build, umaasa ang panig Tsino na sa pamamagitan ng ekspong ito, mararating ang mas maraming proyektong pangkooperasyon ng Tsina at Pilipinas sa konstruksyon ng mga imprastruktura. Sa gayon aniya, mapapasulong sa bagong antas ang kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa.
Salin: Liu Kai