Binuksan kahapon, Sabado, ika-27 ng Hulyo 2019, sa Ordos, lunsod ng Rehiyong Awtonomo ng Inner Mongolia ng Tsina, ang Ika-7 Kubuqi International Desert Forum.
Sa seremonya ng pagbubukas, binasa ni Pangalawang Premyer Sun Chunlan ng Tsina ang mensaheng pambating ipinadala ni Pangulong Xi Jinping. Sa mensahe, inilahad ni Xi ang kahalagahan ng paglaban sa desertipikasyon para sa sustenableng pag-unlad ng sangkatauhan, at iniharap ang mungkahi hinggil sa pagpapalakas ng pandaigdig na kooperasyon sa paglaban sa desertipikasyon.
Sinabi rin ni Sun, na sa ilalim ng ideya ng pagpapalakas ng pagbuo ng sibilisasyong ekolohikal, natamo ng Tsina ang kapansin-pansing bunga sa paglaban sa desertipikasyon, at mas maagang isinakatuparan ang target ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development hinggil sa pagpigil sa soil degradation. Nakahanda aniya ang Tsina, na buong sikap na ipatupad ang United Nations Convention to Combat Desertification, at ibahagi sa iba't ibang bansa ang mga karanasan at teknolohiya sa usaping ito, para pasulungin ang pagpigil at pag-iwas ng desertipikasyon sa buong mundo.
Sa kanya namang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Wang Zhigang, Ministro ng Siyensiya at Teknolohiya ng Tsina, na ang pagdaraos ng naturang porum at pagtalakay hinggil sa pagtutulungan sa paglaban sa desertipikasyon ay mahalagang hakbangin para sa pagpapasulong ng kooperasyon ng Belt and Road at pagkatig sa UN 2030 Agenda for Sustainable Development.
Salin: Liu Kai