Sapul noong kalagitnaan ng nagdaang Hunyo, nagaganap sa Hong Kong ang mararahas na insidenteng lumalabag sa batas. Sa panahong ito, walang tigil na nagpapahayag ng anu-ano ang ilang personaheng kanluranin at nagsasagawa ng "Double Standards" kung saan kinukunsinti at pinagaganda ang mga marahas na aksyon at pagra-rayot. Bukod dito, walang batayan nilang binatikos ang karaniwang pagpapatupad ng batas ng kapulisan ng Hong Kong, at siniraang-puri ang pamahalaang Tsino sa pagpapahina ng kalayaan at karapatan ng Hong Kong. Sa pinakahuling halimbawa, ipinahayag kamakailan ni Eliot Engel, Chairman of the Foreign Affairs Committee, US House of Representatives, na umano'y "ang paggamit ng mga pulis ng Hong Kong ng karahasan sa paghawak sa demonstrasyon ay nakakasira sa reputasyong pandaigdig nito sa aspekto ng pangangasiwa at hustiya. Ang pananalitang ito na nagbabalewala sa katotohanan, ay hindi lamang nagbabaligtad sa itim at puti, kundi, ito ay bastos na panghihimasok sa suliranin ng Hong Kong at suliraning panloob ng Tsina.
Sa mata ni Engel at ibang mga politikong kanluranin, ang mga demonstrasyon ay tunay na marahas na kilos kung ang mga ito ay naganap sa ilang bansang Kanluranin. Para sa mga marahas na aksyong nagaganap sa Hong Kong, para sa kanila, ang mga ito ay "mapayapang demonstrasyon." Bastos nilang hinihiling sa pamahalaan ng Hong Kong Special Administrative Region (HKSAR) na "igalang ang kalayaan ng pagsasalita at pagrarali," kanselahin ang umano'y akusasyon sa mga "mapayapang demonstrador." Nakakatuwa di ba? Ang mga rioter sa Hong Kong ay nagsisilbing "fighters for human rights at freedom." Ang lantarang "Double Standards" ay lubos na nagpapakita ng labis na pagkukunwari at kawalang-moralidad ng mga politikong kanluraning tulad ni Engel.
Talagang nakakalimot na ba ang naturang mga personaheng Amerikano at Britaniko? Sa kilos protesta na pinamagatang "Occupy Wall Street" noong 2011, pinaulanan ng mga pulis Amerikano ng chili water ang mga demonstrador. Inasinta rin sila ng mga rubber bullets. Nang taon ding iyon, sa nangyaring kaguluhan sa London at iba pang lugar ng Britanya, ginamit ng mga Britanikong pulis ang mga kanyon ng tubig para bulabugin ang mga rioter. Ngunit para sa Hong Kong, agarang binago ng mga politikong Amerikano at Britaniko ang kanilang mukha, na hindi lamang bumabalewala sa ipinakikitang napakalaking pagtitimpi ng panig kapulisan ng Hong Kong sa paghawak sa mga marahas na aksyon at pagra-rayot, kundi bastos pa nilang inirereklamo ang karaniwang pagpapatupad ng batas ng mga pulis ng Hong Kong.
Ang panghihimasok sa mga suliraning panloob ng ibang bansa ay hindi lamang lumalabag sa pandaigdigang batas, kundi lumalabag din sa pundamental na prinsipyo ng relasyong pandaigdig. Ang pagsasabi ng anu-ano hinggil sa mga suliranin ng ibang bansa sa pamamagitan ng "Double Standards" ay palagiang paraang ginagamit ng ilang politiko at mediang kanluranin. Pero, hinding hindi pinahihintulutan ng Tsina ang pagkakaroon ng mas masamang kalagayan ng kaligalihang nakakapinsala sa seguridad ng soberanya ng bansa at kasaganaan at katatagan ng Hong Kong.
Salin: Lito