Nagbabala nitong Lunes, Hulyo 29 ang Iran sa mga signataryong bansang Europeo ng kasunduang nuklear ng bansa na tatalikod ito sa mas maraming pangako sa naturang kasunduan, kung hindi matutugunan ng EU ang kahilingan ng Iran.
Winika ito ni Abbas Mousavi, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Iran sa regular na preskon. Hinihintay pa rin aniya ng Iran ang mga praktikal at konkretong hakbangin ng mga miyembrong Europeo sa pagpapatupad sa naturang kasunduang nuklear. Ang buong pangalan ng nasabing Iran Nuclear Deal ay Joint Comprehensive Plan of Action (JCPOA) na nilagdaan ng Iran, kasama ng limang pirmihang bansa ng United Nations (UN), Alemanya at Unyong Europeo (EU) noong 2015. Noong Mayo, 2018, makaraang umurong mula sa JCPOA, muling inilunsad ng Amerika ang serye ng sangsyon laban sa Iran.
Noong Enero, 2019, upang matiyak ang pakikipagkalakalan sa Iran at matugunan ang sangsyon ng Amerika, ipinatalastas ng EU ang paglunsad ng special payment channel, na kilala bilang INSTEX. Gayunpaman, sinabi ng Iran na hindi sapat ang ginhawang ipinagkakaloob ng nasabing mekanismo ng EU sa kanilang pagbabayad sa langis na inaangkat mula sa Iran.
Salin: Jade
Pulido: Rhio