Sa kanyang paglahok kahapon, Biyernes, ika-2 ng Agosto 2019, sa Bangkok, Thailand, sa Ika-9 na Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng East Asia Summit, sinabi ni Wang Yi, Kasangguni ng Estado at Ministrong Panlabas ng Tsina, na tinanggihan ng kanyang bansa ang walang katwirang pagbatikos sa isyu ng South China Sea.
Ani Wang, sa ilalim ng magkakasamang pagsisikap ng Tsina at mga bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), nananatiling matatag at bumubuti pa ang kalagayan sa South China Sea. Dagdag niya, batay sa diwa ng Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC), aktibong pinapasulong ng Tsina at mga bansang ASEAN ang pagsasanggunian hinggil sa Code of Conduct in the South China Sea (COC), at isinagawa nang mas maaga kaysa iskedyul ang unang pagbasa sa Single Draft Negotiating Text ng COC. Ito aniya ay palatandaan ng pagbuo ng balangakas ng COC, at nagpapakita ng determinasyon at kakayahan ng Tsina at mga bansang ASEAN sa pagpapasulong ng pagsasanggunian hinggil sa COC.
Samantala, sinabi ni Wang, na sa kabila ng hangarin ng mga bansa sa rehiyong ito para sa kapayapaan at pagtutulungan, laging ipinakikita ng isang malaking bansa sa labas ng rehiyong ito ang sandatahang lakas sa South China Sea, at sinasadyang nililikha ang tensyon, upang gumawa ng pangangatwiran para sa pagdaragdag ng pagdedeploy na militar sa rehiyong ito. Ito aniya ay aksyon ng kawalang-kagandahang-loob at di-responsable rin sa kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Sinabi rin ni Wang, na binatikos din ng naturang bansa ang Tsina sa di-umanong pagsasagawa ng militarisasyon sa South China Sea. Ani Wang, walang katwiran ang akusasyong ito. Dahil aniya, batay sa pandaigdig na batas, ang pagdedeploy ng isang bansa ng mga depensibong pasilidad sa sariling teritoryo ay lehitimong karapatan nito bilang soberanong bansa.
Salin: Liu Kai