Idinaos ngayong araw, Sabado, ika-3 ng Agosto 2019, sa Beijing, ang pulong na ministeryal hinggil sa Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng pagbubukas, sinabi ni Pangalawang Premyer Hu Chunhua ng Tsina, na sa kasalukuyang masusing yugto ng talastasan hinggil sa RCEP, nakahanda ang Tsina, kasama ng iba't ibang may kinalamang panig, na palakasin ang kompiyansa, isagawa ang mga positibong aksyon, at ipakita ang pleksibilidad, para pasulungin ang pagtapos ng talastasan sa loob ng taong ito.
Dagdag ni Hu, sa mula't mula pa'y iginagalang at kinakatigan ng Tsina ang sentralidad ng Association of Southeast Asian Nations sa naturang talastasan. Patuloy aniyang patitingkarin ng Tsina ang papel para sa pagpapasulong ng talastasan.
Ipinahayag din ni Hu ang pag-asa ng Tsina, na ibayo pang palalalimin, kasama ng mga kasapi ng RCEP, ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at itatatag ang komunidad na may mas mahigpit na kapakanan.
Salin: Liu Kai