Nagtagpo nitong Linggo, Agosto 4, sa Baghdad, Iraq, ang mga ministrong panlabas ng Iraq, Ehipto, at Jordan. Layon nitong pasulungin ang ugnayan ng mga bansang Arabe at pahupain ang tensyon sa rehiyon ng Gitnang Silangan.
Sa magkasanib na preskon, sinabi ni Mohammed al-Hakim, Ministrong Panlabas ng Iraq, na pinag-usapan nila ng dalawa pang ministrong panlabas ang hinggil sa tensyon sa pagitan ng Iran at Amerika. Inulit ni al-Hakim ang paninindigan ng kanyang bansa sa paglutas ng isyu sa mapayapang paraan.
Ipinahayag naman ni Sameh Shoukry, Ministrong Panlabas ng Ehipto na nananangan ang kanyang bansa sa mapayapang kalutasan at pagpapahupa ng paglala ng situwasyon ng rehiyon.
Diin naman ni Ayman Safadi, Ministrong Panlabas ng Jordan na konektado sa isa't isa ang kaligtasan ng mga bansang Arabe, at ang anumang banta sa nasabing kaligtasan ay banta sa lahat ng mga bansang Arabe. Kaya, umaasa ang lahat na magsikap para matapos ang krisis at tensyon, dagdag pa niya.
Salin: Jade
Pulido: Rhio