Ipinahayag nitong Martes, Agosto 6, ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pagbansag ng Amerika sa Tsina bilang manipulador ng salapi ay isa na namang walang katwirang kilos. Sinabi ni Hua, na mapagmayabang na sinabi ito ng Amerika, makaraang ipatalastas nito ang kapasiyahang ipataw ang karagdagang taripa sa 300 bilyong dolyares na panindang Tsino noong unang araw ng buwang ito.
Ani Hua, isinasagawa ng Tsina ang mekanismo ng exchange rate na may pangangasiwa at floating, alinsunod sa suplay at pangangailangan ng pamilihan, kung saan ang "basket of currencies" ang reperensya. Kaya, ang di-umano'y manipulasyon sa RMB exchange rate ay walang katotohanan, dagdag niya. Walang humpay aniyang nagsisikap ang Tsina para mapanatiling matatag sa kabuuan ang RMB exchange. Sinasaksihan ito ng buong daigdig, dagdag pa ni Hua.
Sa kauna-unahang pagkakataon sapul noong 1994, ipinatalastas kamakailan ng Kagawaran ng Tesorarya ng Amerika ang pagbansag ng Tsina bilang manipulador ng salapi. Bilang tugon, ipinalabas ng People's Bank of China, Bangko Sentral ng Tsina ang pahayag.
Salin: Jade
Pulido: Rhio