Ipinahayag kahapon, Biyernes, ika-9 ng Agosto 2019, ng tagapagsalita ng Tanggapan ng Komisyoner ng Ministring Panlabas ng Tsina sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong, na dapat pagsisihan at iwasto ng Amerika ang maling aksyon nitong nakikialam sa isyu ng Hong Kong at mga suliraning panloob ng Tsina.
Winika ito ng nabanggit na tagapagsalita bilang tugon sa pagpuna ng Kagawaran ng Estado ng Amerika sa pamahalaang Tsino, dahil sa pagsisiwalat sa mga media report ng panig Tsino ng impormasyong personal ng isang diplomatang Amerikanong nakipagtagpo sa mga separatistang naninindigan ng pagsasarili ng Hong Kong.
Tinukoy ng tagapagsalita, na itinuturing ng Kagawaran ng Estado ng Amerika ang pakikipagsabwatan ng mga diplomata nito sa mga tauhang kontra-gobyerno o naninindigan ng separatismo ng ibang bansa bilang normal na trabaho. Ito aniya ay labag sa prinsipyo ng di-pakikialam sa suliraning panloob ng ibang bansa, na kinikilala ng pandaigdig na batas at saligang norma ng relasyong pandaigdig. Makakapinsala rin ito sa soberanya at katiwasayan ng ibang bansa, dagdag ng tagapagsalita.
Salin: Liu Kai