Ipinahayag ni Jackie Chan, kilalang Kung Fu star ng Hong Kong (HK) ang kanyang suporta at pagmamahal sa inang-bayan. Umaasa aniya siyang mapapanumbalik ang katatagan ng HK sa lalong madaling panahon.
Sa panayam ng China Central Television (CCTV) kamakailan, sinabi ni Chan na lubos na ikinalulungkot at ikinababahala niya ang nangyayari sa HK. Aniya, nakikiisa siya sa 1.4 bilyong kababayang Tsino sa pambansang kampanya ng pangangalaga sa pambansang watawat, bilang pagtutol sa mga radikal na naghahasik ng kaguluhan sa HK, at pagmamahal sa inang-bayan.
"Ang kaligtasan, kapayapaan, at katatagan ay parang hangin, at malalaman lamang natin ang kahalagahan nito kapag nawalan tayo nito," diin ni Chan. "Ang Hong Kong ang aking lupang-tinubuan, at ang Tsina ang aking inang-bayan. Mahal ko ang aking inang bayan at mahal ko rin ang aking lupang-tinubuan. Umaasa akong maibabalik ang katatagan ng HK sa lalong madaling panahon," dagdag pa ng sikat na Kung Fu star.
Salin: Jade
Pulido: Mac