Ipinatalastas kahapon, Miyerkules, ika-14 ng Agosto 2019, ng Airport Authority Hong Kong ang pagpapairal ng mga bagong hakbanging panseguridad sa mga terminal ng Hong Kong International Airport.
Ayon sa tadhana, makakapasok lamang sa mga terminal ng paliparan ang mga pasaherong may flight ticket o boarding pass para sa pag-alis ng Hong Kong sa loob ng darating na 24 na oras, kasama ng balidong travel document.
Ang naturang mga bagong hakbangin ay itinakda ng Airport Authority batay sa tinanggap nitong interim injunction order o pansamantalang utos mula sa hukuman na nagbabawal sa sinumang hahadlang sa normal na takbo ng Hong Kong International Airport. Ayon pa rin sa desisyon ng korte, hindi dapat magdaos o lumahok ang sinuman sa demonstrasyon, protesta, o aktibidad na pampubliko sa labas ng lugar na itinakda ng Airport Authority. Magkakabisa ang utos na ito hanggang ika-23 ng buwang ito.
Salin: Liu Kai