Ipinahayag Linggo, Agosto 25, 2019 ng mga opisyal ng pamahalaan at mambabatas ng Konsehong Lehislatibo ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) na ang tuluy-tuloy na kaguluhang panloob ay grabeng nakapipinsala sa kabuhayan ng Hong Kong. Nanawagan silang bigyang-wakas sa lalong madaling panahon ang kaguluhan, itigil ang mga karahasan, palakasin ang diyalogo't pag-uugnayan ng iba't ibang sirkulo ng lipunan, at panumbalikin ang kabuhayan.
Tinukoy ni Paul Chan, Kalihim ng Pananalapi ng Hong Kong, na unti-unting lumilitaw ang negatibong epekto ng tuloy-tuloy na kaguluhan nitong nakalipas na 2 buwan sa kabuhayan ng Hong Kong. Umaasa siyang dadako sa pagsasanggunian at diyalogo, sa halip ng kaguluhan at karahasan, para maiwasan ang negatibong epekto sa hanap-buhay at pamumuhay ng mga mamamayan.
Ipinahayag naman ni James Lau, Secretary for Financial Services and the Treasury ng HKSAR, na kung tuloy-tuloy na maaapektuhan ng kaguluhang panloob ang kabuhayan, lipunan, at pamumuhay ng mga mamayan ng Hong Kong, mawawalan ang mga mamumuhunang dayuhan ng kompiyansa sa Hong Kong. Dapat aniyang isa-isang-tabi ng iba't ibang panig ng lipunan ang ostilong damdamin, at magkakapit-bisig na harapin ang prospek ng pagbaba ng kabuhayan.
Ayon naman kay Yiu Si-wing, Miyembro ng Konsehong Lehislatibo ng HKSAR, na sanhi ng epekto ng mga demonstrasyon, bumaba ang maraming datos at indeks ng turismo ng Hong Kong noong nagdaang buwan, at naging mas mabilis ang pagbaba sa kasalukuyang buwan. Aniya, kung magpapatuloy ang mga demonstrasyon, bababa ng malaki ang bilang ng mga turista sa Hong Kong, at grabeng maaapektuhan ang industriya ng serbisyo.
Salin: Vera