Idinaos kahapon, Biyernes, ika-23 ng Agosto 2019, ng pamahalaan ng Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) ng Tsina, ang preskon kung saan isinalaysay ang mga pinakahuling kalagayan ng mga epekto sa kabuhayang lokal na dulot ng mga demonstrasyon.
Sinabi ni Frank Chan, Kalihim ng Transportasyon at Pabahay ng pamahalaan ng HKSAR, na ang mga demonstrasyon at marahas na insidente ay nagdulot ng grabeng epekto sa abiyasyon, tursimo, kalakalan, lohistika, at iba pang sektor ng Hong Kong. Halimbawa aniya, mula noong unang araw hanggang ika-21 ng buwang ito, ang bilang ng mga pasahero sa pandaigdig na paliparan ng Hong Kong ay bumaba ng mahigit 11% kumpara sa gayon ding panahon ng nagdaang taon, at ang bolyum ng kargamento naman ay bumaba ng halos 14%.
Isinalaysay naman ni Edward Yau, Kalihim ng Komersyo at Pagpapaunlad ng Kabuhayan, na mula ika-15 hanggang ika-20 ng buwang ito, ang bilang ng mga turista sa Hong Kong ay bumaba ng halos 50% kumpara sa gayon ding panahon ng nagdaang taon. Samantala aniya, pagpasok ng buwang ito, ang occupancy rate ng mga hotel sa Hong Kong ay bumaba ng 30% hanggang 50%, at ang halaga ng tingian sa Agosto ay tinataya namang bumaba ng 50%.
Ipinahayag ng naturang mga opsiyal ang pag-asang mapapanumbalik sa lalong madaling panahon ang kaayusang panlipunan ng Hong Kong, para bawasan ang epekto sa pamumuhay ng mga mamamayan at kabuhayan ng lugar na ito.
Salin: Liu Kai