Ipinagkaloob kahapon, Martes, ika-27 ng Agosto 2019, ng Konsulada ng Tsina sa Laoag City, sa pamahalaan ng lalawigang Ilocos Norte ang mga bottled water, bigas, canned food, instant noodle, at iba pa, bilang tulong na materyal sa mga lugar ng lalawigang ito na sinalanta ng bagyong Ineng.
Sa seremonya ng paglilipat ng nasabing materyales, ipinahayag ni Zhou Youbin, Consul at Head of Post ng nabanggit na konsulada, ang pakikiramay sa mga mamamayan ng Ilocos Norte na apektado ng bagyong Ineng. Umaasa aniya siyang, sa pamamagitan ng mga tulong na materyal, matutugunan ang pangkagipitang pangangailangan sa buhay ng mga apektadong mamamayan.
Ipinahayag naman ni Gobernador Matthew Marcos Manotoc ng Ilocos Norte ang pasasalamat sa panig Tsino, at sinabi niyang ito ay isa pang patunay ng pagkakaibigang Pilipino-Sino. Sinabi rin niyang ibabahagi sa lalong madaling panahon ang naturang mga relief goods sa mga apektadong mamamayan.
Salin: Liu Kai