Kinatagpo nitong Miyerkules, Setyembre 3, sa Beijing ni Liu He, Pangalawang Premyer ng Tsina ang delegasyong Amerikano na pinangungunahan nina Senador Steve Daines at Senador David Perdue. Si Senador Daines ay nagsisilbi ring co-chair ng U.S.-China Working Group ng Senado ng Amerika.
Sinabi ni Liu, na nanunungkulan din bilang punong negosyador ng panig Tsino sa talastasang pangkalakalan ng Tsina't Amerika, na ang relasyong Sino-Amerikano ay nakakaapekto sa katatagan at kasaganaan ng daigdig. Inulit niya ang pagtutol ng Tsina sa digmaang pangkalakalan. Umaasa aniya ang Tsina na mapaplalim ng dalawang bansa ang pag-uunawaan, rerespetuhin ang pagkakaiba, at sasamantalahin ang pagkakapareho, para maayos na malutas ang mga may kinalamang isyu.
Kapuwa naman ipinagdiinan nina Senador Daines at Senador Perdue ang kahalagahan ng relasyong Sino-Amerikano. Ayaw anila nilang makita ang alitang pangkalakalan ng Tsina't Amerika. Ipinahayag din nila ang kahandaang patuloy na gumanap ng positibong papel para mapasulong ang pag-uunawaan at bilateral na relasyon.
Salin: Jade
Pulido: Rhio