Ipinangako ni Preymer Li Keqiang ng Tsina ang mas malaking suporta ng bansa sa mga kabataang alagad ng agham sa pananaliksik at inobasyon. Para rito, ang National Science Fund for Distinguished Young Scholars ay gaganap ng mas matingkad na papel sa pagbibigay ng suportang pinansyal sa mga kabataang mananaliksik sa larangang ito, dagdag pa niya.
Winika ito kamakailan ng premyer Tsino sa isang pambansang forum hinggil sa gawain ng nasabing pondo sa Beijing.
Diin ni Li, ang pagkatig sa mga kabataang siyentista ay masusi sa pagpapatupad sa pambansang estratehiya ng pagpapasulong ng pambansang kaunlaran sa pamamagitan ng inobasyong pansiyensiya't panteknolohiya. Tinutukan din ni Premyer Li ang kahalagahan ng pakikipagtulungang pang-inobasyon ng Tsina sa daigdig.
Ang National Science Fund for Distinguished Young Scholars na inilunsad noong 1994 ay pondong iginagawad sa mga iskolar at mananaliksik na Tsino na 45 taong gulang pababa. Sapul nang itatag, mahigit 3,000 kabataang siyentistang Tsino ang ginawaran nito.
Salin: Jade
Pulido: Rhio