Ipinahayag Miyerkules, Setyembre 18, 2019 sa Beijing ni Tagapagsalita Geng Shuang ng Ministring Panlabas ng Tsina na lehitimo at makatwiran ang kaukulang operasyon ng panig Tsino sa rehiyong pandagat ng South China Sea (SCS).
Hinggil dito, sinabi kamakailan ng tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Biyetnam na buong tatag na tinututulan ng kanyang bansa ang patuloy na grabeng paglapastangan ng Chinese fleet sa soberanya at karapatan sa pangangasiwa sa rehiyong pandagat ng Biyetnam na itinakda ayon sa United Nations Convention on the Law of the Sea. Aniya, labag sa pandaigdigang batas ang anumang aksyon na humahadlang sa paggagalugad ng langis at natural na gaas ng Biyetnam sa rehiyong pandagat ng sariling bansa.
Kaugnay nito, saad ni Geng na may soberanya ang Tsina sa Nansha Islands, at mayroon din itong soberanya at karapatan sa pangangasiwa sa rehiyong pandagat sa paligid ng Wan'an Basin ng Nansha Islands. May lubos na batayang historikal at pambatas dito ang panig Tsino, dagdag ni Geng. Aniya, nakahanda ang panig Tsino, kasama ng panig Biyetnames, na maayos na hawakan ang kaukulang isyu, sa pamamagitan ng mapagkaibigang pagsasanggunian.
Salin: Vera