Kaugnay ng pagdiriwang ng Ika-70 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina, inilarawan ni Kalihim Martin Andanar bilang isang bansang mayaman sa karunungan ang Tsina. Sinabi pa ng Communications Secretary, "Ang pagdiriwang na ito, ay katulad ng pagdiriwang ng kaarawan ng isang lolo. At ang pagiging lolo ay nangangahulugang paghantong sa edad na mayaman sa karunungan. Napakalaki ng pag-unlad ng Tsina sa ekonomiya at kultura. Ang kaisipan na ibinabahagi ng Tsina, di lamang sa loob ng bansa kundi maging sa mga kapitbansa at mga bansang sakop ng One Belt One Road Initiative ay lipos ng karunungan. Lubos na mapagbigay ang Tsina."
Saad pa niya, ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina ay nasa pinakamabuting kalagayan. Nararanasan ng kapwa panig ang masiglang kalakalan. Tumataas din ang bilang ng turismo mula sa Tsina. Ang Pilipinas ay nagluluwas ng mas maraming produktong agrikultural sa Tsina. Parami nang parami ang mga Tsinong negosyante at mamumuhunan sa bansa. Ang mga pamahalaan ng Pilipinas at Tsina ay patuloy na nagpupunyagi, pahayag ni Kalihim Andanar bilang pagtatapos.
Ang nasabing mensahe ay ipinahayag ni Kalihim Andanar sa media noong Huwebes, Setyembre 26, 2019 sa resepsyon ng Embahadang Tsino sa Maynila bilang pagdiriwang sa Ika-70 Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Republika ng Bayan ng Tsina.
Salin: Liu Kai