Ipinatalastas ngayong araw, Martes, ika-8 ng Oktubre 2019, ng China Central Television (CCTV) Sports Channel ng China Media Group (CMG), ang pagsuspendi ng pagsasahimpapawid ng mga laro ng National Basketball Association (NBA) ng Amerika.
Ayon sa pahayag ng naturang channel, ito ay bilang tugon sa reaksyon ni Adam Silver, Komisyoner ng NBA, sa di-angkop na pananalita kaugnay ng isyu ng Hong Kong, na ginawa kamakailan ni General Manager Daryl Morey ng Houston Rockets, isa sa mga koponan ng NBA.
Anang pahayag, ipinahayag ng Sports Channel ang kawalang-kasiyahan at pagtutol sa sinabi ni Silver, na kinakatigan niya ang karapatan ni Morey sa kalayaan sa pagsasalita. Anito, ang anumang pananalitang nanghahamon sa soberanya at katatagan ng lipunan ng isang bansa ay hindi kabilang sa saklaw ng kalayaan sa pagsasalita.
Salin: Liu Kai