Kaugnay ng pananalita kamakailan ni Chris Patten, dating gobernador ng Hong Kong, na walang katuturan na aksyon ang pagtatakda ng Prohibition on Face Covering Regulation, matinding kinondena ito ng Commissioner's Office ng Ministring Panlabas ng Tsina sa Espesyal na Rehiyong Administratibo ng Hong Kong (HKSAR) nitong Lunes, Oktubre 7, 2019.
Sinabi ng tagapagsalita ng nasabing tanggapan na ang naturang pananalita ni Patten ay pikit-mata sa pangunahing mithiin ng iba't ibang sirkulo ng HKSAR sa pagpigil sa karahasan at kaguluhan, at pundamental na katotohanan na ang Britanya ang promotor ng anti-mask law. Ang ganitong pananalita ay lubos na nagpapakita ng kanyang pagkukunwari, pagkapanatiko at kawalang-habag.
Dagdag ng nasabing tagapagsalita, nitong nakalipas na 4 na buwan, ang tuluy-tuloy na karahansan at kaguluhan sa Hong Kong ay grabeng nakapinsala sa seguridad na panlipunan at pampubliko, at nakasira rin sa pangangasiwa alinsunod sa batas ng Hong Kong. Aniya, legal at makatwiran ang pagtatakda ng pamahalaan ng HKSAR ng Prohibition on Face Covering Regulation, at ito rin ang unibersal na aksyon ng komunidad ng daigdig.
Salin: Vera