Nag-usap ngayong araw, Linggo, ika-13 ng Oktubre 2019, sa Kathmandu, kabisera ng Nepal, sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Khadga Prasad Sharma Oli ng Nepal.
Sinabi ni Xi, na bilang matalik na magkapitbansa, nakahanda ang Tsina, kasama ng Nepal, na pasulungin ang pagkakaibigan at pagtutulungan, para magbukas ng bagong kabanata ng relasyon ng dalawang bansa.
Iniharap din ni Xi, na palalakasin ng Tsina ang pakikipagkooperasyon sa Nepal sa pagpapaunlad ng kabuhayan, pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, at pagsasakatuparan ng hangaring "masaganang Nepal at maligayang mga Nepali." Samantala aniya, kailangang pasulungin ang koordinasyon ng Belt and Road Initiative at patakaran ng pagiging "land-linked country" ng Nepal, at pabilisin ang konstruksyon ng trans-Himalayan connectivity network. Dapat ding palakasin ng dalawang bansa ang kalakalan, pamumuhunan, pagpapalitan ng mga mamamayan, kooperasyon sa pagpapatupad ng batas, at koodinasyon sa aspekto ng multilateralismo, dagdag ni Xi.
Ipinahayag naman ni Oli, na buong tatag na isinasagawa ng Nepal ang prinsipyong "Isang Tsina." Positibo siya sa magkasamang konstruksyon ng Nepal at Tsina ng trans-Himalayan connectivity network. Ipinahayag din niya ang mainit na pagtanggap ng Nepal sa mas maraming turista at mas maraming pamumuhunan mula sa Tsina.
Salin: Liu Kai