Natapos nitong Biyernes, Oktubre 11, 2019 sa Washington ang dalawang araw na bagong round ng konsultasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika sa mataas na antas. Natamo ng kapuwa panig ang substansiyal na progreso sa maraming larangan. Pagkaraang ilabas ang kaukulang impormasyon, tumaas ang karamihan ng mga stock market sa buong mundo, bagay na nagpadala ng signal ng pamilihan na ang maayos na paghawak sa relasyong pangkabuhaya't pangkalakalan ng Tsina at Amerika ay makakabuti sa kapuwa Tsina't Amerika, maging ng daigdig.
Pagkaraan ng mahigit isang taong pabagu-bagong situwasyon, mas malalimang nalaman ng kapuwa panig na ang pangangasiwa at pagkontrol sa mga alitan batay sa paggagalangan, pagpapalawak ng kooperasyon batay sa mutuwal na kapakinabangan, at unti-unting pagresolba ng mga alitan ay mabisang solusyon na angkop sa aktuwal na katotohanan. Ito ay nagkaloob ng bagong kaisipan at paraan para sa paghahanap ng panig Tsino't Amerikano ng pinal na kasunduang pangkabuhaya't pangkalakalan.
Ang kooperasyon ng Tsina at Amerika ay magbubunga ng mutuwal na benepisyo, at ang alitan ay makakapinsala sa kapuwa panig. Ang kooperasyon ay kanilang pinakamagandang pagpili. Ayon sa narating na komong palagay, magsasagawa ang kapuwa panig ng mga konsultasyon sa susunod na hakbang, at magkasamang magpupunyagi tungo sa pagdating ng pinal na kasunduan. Ang susi ng pagsasakatuparan ng nasabing target ay paggigiit sa paghahanap ng magkatulad na punto samantalang isinasa-isang-tabi ang pagkakaiba, at unti-unting pagresolba ng mga alitan hanggang dumating sa pinal na kasunduan.
Salin: Vera