Isinalaysay ngayong araw, Sabado, ika-2 ng Nobyembre 2019, ni Ren Hongbin, Asistenteng Ministro ng Komersyo ng Tsina, ang pinakahuling kalagayan ng gaganaping Ika-2 China International Import Expo (CIIE).
Ayon kay Ren, lalahok sa country exhibition ng kasalukuyang ekspo ang 63 bansang dayuhan at 3 organisasyong pandaigdig. Aniya, pagkaraan ng ekspo, bukas pa sa loob ng 8 araw ang mga country exhibition hall ng Tsina at naturang 63 na bansa, at tinatayang bibisita sa mga ito ang 400 libong tao.
Sa bahagi naman ng business exhibition, sinabi ni Ren, na pinakamalaki ang kabuuang saklaw ng mga exhibition area ng mga kompanya mula sa Amerika, Hapon, Alemanya, Timog Korea, at iba pa. Aniya pa, lalahok naman sa business exhibition ang 40 pinaka-di-maunlad na bansa. Bilang tulong sa kanila, ipinagkaloob ng ekspo sa bawat isa ang 2 walang bayad na exhibition booth, dagdag ni Ren.
Salin: Liu Kai