Kinatagpo nitong Martes, Nobyembre 5, sa Yuyuan Garden, Shanghai, nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Unang Ginang Peng Liyuan sina dumadalaw na Pangulong Emmanuel Macron at Unang Ginang Brigitte Macron. Kalahok sina Ginoong at Ginang Macron sa idinaraos na Ika-2 China International Import Expo (CIIE).
Ipinahayag ni Xi ang mainit na pagtanggap sa muling pagdalaw ni Macron sa Tsina at unang pagbisita sa Shanghai. Ani Xi, iniistima nila ni Peng ang mag-asawang Pranses sa Yuyuan Garden para ipakilala sa kanila ang kagandahan ng hardin at kulturang Tsino. Maaaring makisalamuha sa isa't isa ang iba't ibang kultura, saad ni Xi. Bilang mga kinatawan ng sibilisasyong Silanganin at sibilisasyong Kanluranin, kailangang maggalangan ang Tsina't Pransa, magpalitan at matuto ng isa't isa, dagdag pa ni Xi.
Ipinahayag naman ni Pangulong Pranses ang pagkilala sa desisyon ng Tsina hinggil sa ibayo pang pagbubukas. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Pransya na pasulungin, kasama ng Tsina, ang pandaigdig na kooperasyon at bukas na kabuhayan para sa kapakinabangan ng dalawang bansa at buong mundo.
Salin: Jade