Kasama ni Punong Ministro Kyriakos Mitsotakis ng Greece at kanyang asawa, bumisita nitong Lunes, ika-11 ng Nobyembre 2019, sina Pangulong Xi Jinping at Unang Ginang Peng Liyuan ng Tsina, sa Piraeus Port, pinakamalaking puwerto ng Greece na kasalukuyang tumatakbo sa ilalim ng pangangasiwa ng kompanyang Tsino.
Sa panahon ng pagbisita, hinahangaan ni Xi ang proyekto ng Piraeus Port bilang mabuting halimbawa ng ideya ng magkakasamang pagsasabalikat ng responsibilidad at pagdudulot ng mutuwal na kapakinabangan sa ilalim ng Belt and Road Initiative (BRI).
Ipinahayag naman ni Mitsotakis, na sa mahirap na panahong dulot ng debt crisis sa Greece, ang paglahok ng kompanyang Tsino sa pangangasiwa sa Piraeus Port ay hindi lamang makakabuti sa matatag na operasyon ng puwertong ito, kundi lumikha rin ng maraming hanapbuhay para sa mga mamamayang lokal.
Noong 2016, sa pamamagitan ng public bidding, naging tagapangasiwa ng Piraeus Port ang China COSCO Shipping Group. Sa kasalukuyan, ang puwertong ito ay nagbibigay ng mahigit 10 libong hanapbuhay sa lokalidad, at ito rin ay isa sa mga container port na pinakamabilis ang pag-unlad sa daigdig.
Salin: Liu Kai